Erap pinasaringan ng MILF
“Shut up!”
MANILA, Philippines - Ito ang itinugong patutsada kahapon ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada kaugnay ng panonopla ng huli sa kanilang panukalang sub-state o ang pagpapalawak ng teritoryo sa rehiyon ng Mindanao at ilan pang lugar.
Sa isang statement na ipinoste ng MILF sa kanilang website na luwaran.com, sinabi ng mga ito na sa halip na manghimasok umano si Erap ay mas makabubuting manahimik na lamang ito at pagbayaran ang kaniyang mga kasalanan sa mga Moros sa pagdadala ng sangkaterbang mga litsong baboy at beer sa loob ng nakubkob na Camp Abubakar noong 2000.
Noong 2000 ay ipinag-utos ni Erap ang “all out” war laban sa MILF kung saan 46 kampo nito at mga satellites camps ang bumagsak sa tropa ng gobyerno.
“This ignorance and insensitivity to what Muslims believe are not helping in the resolution of the Moro Question and the armed conflict in Mindanao. Instead, these promote too much animosity and rift between the religious divide in this country,” ani Khaled Musa, Deputy Chairman ng MILF Committee on Information bilang reaksyon sa panonopla ni Erap sa MILF kaugnay ng sikretong pakikipagpulong ni Pangulong Aquino kay MILF Chieftain Alhaj Murad Ibrahim sa Narita, Tokyo, Japan noong Agosto 4.
Nabatid na kinontra ni Erap ang Malacañang at binalaan sa isinusulong na Bangsamoro sub-state ng MILF na ayon sa dating pangulo ay isang malaking kalokohan dahil hindi ito naiiba sa Bangsamoro Juridical Entity na nakapaloob sa Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MoA-AD) na idineklarang unconstitutional sa Korte Suprema.
Inihayag din ni Erap na masyadong pinahalagahan ng Pangulo ang MILF Chieftain ng makipagpulong ito sa Japan.
Sinabi ni Musa na hindi umano nabigyang solusyon ni Erap ang Mindanao conflict sa halip ay giniyera ang kanilang grupo kung saan maraming buhay ang nalagas at binastos pa sila sa mga litsong baboy na inihatid nito sa tropa ng mga sundalo sa bawat nakukubkob nilang mga kampo.
- Latest
- Trending