MANILA, Philippines - Isinusulong na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng discount ang mga magdadala ng bayong at iba pang uri ng “reusable bag” sa kaniyang pamimili sa mga department stores at groceries.
Naniniwala sina Senators Manny Villar, Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Pia Cayetano, mga nagsusulong ng panukala, na mas maeengganyo ang mga mamimili na gumamit ng bayong kung mabibigyan sila ng discount.
Maiiwasan umano ang paggamit ng plastic bags na labis na nakakadagdag sa polusyon.
Pabor din ang mga senador na tuluyan ng i-ban o ipagbawal ang paggamit ng mga plastic bags.
Pabor naman sa panukalang pagbibigay ng discount para sa mga gagamit ng bayong ang mga kinatawan ng Robinson’s Department Store at Robinson’s Supermarket sa isang public hearing ng Senate committee on trade and commerce.
Dumarami na ang mga lugar sa bansa na nagbabawal sa paggamit ng plastik upang maiwasan ang pagbaha tuwing umuulan. Kabilang dito ang bayan ng Lucban sa Quezon Province at maging ang siyudad ng Muntinlupa.