Customs employees sa NAIA wala raw overtime pay, pinabubusisi ng Solon

MANILA, Philippines - Pinabubusisi ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño ang hindi umano pagbibigay ng overtime pay ng mga airline companies sa mga empleyado ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino Interna­tional­ Airport.

Inihain ni Rep. Casiño ang House Resolution 1467 upang maimbestigahan ng House committee on labor ang umano’y pagpapa-duty nito ng 20 oras sa may 800 emple­yado ng BOC na nakatalaga sa NAIA.

Sinabi ni Casiño, isang “international practice” ang pagbabayad ng mga airlines sa mga customs, immigration at quarantine services.

Sa ilalim ng Tariff and Customs Code (RA 1937) ang mga tauhan ng BOC ay maaaring italaga ng Collector na mag-overtime sa mga lugar na kaila­ngan ang kanilang serbisyo at sila ay babayaran ng importers, shippers at iba pang tao na kanilang pinagseserbisyuhan.

Sa ilalim ng Customs Administrative Order No. 7-92 ang mga Customs Personnel na mago-overtime sa NAIA ay babayaran ng airline companies, aircraft owners/operators, importers, exporters at iba pa.

Ayon sa ulat, ang mga customs examiner, appraiser at duty collector sa NAIA ay matagal ng hindi binibigyan ng overtime pay ng airlines companies kaya walang nagdu-duty sa mga ito noong nakaraan mga buwan.

“Nag-hire ng bagong empleado ang Commis­sioner at ginawang shif­ting para lang hindi ma­perwis­yo ang mga arriving passenger sa paliparan,” anang Customs employees­.

Show comments