MANILA, Philippines - Naniniwala ang isang mambabatas na ginagamit ng kasalukuyang pinuno ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang mga kasong isinampa laban sa mga nakaraang opisyal ng ahensiya bilang cover-up sa kasalukuyang scams at eskandalong kinasasangkutan ng tanggapan.
“It is incidental but helps in covering up alleged present anomalies,” wika ni Zambales Rep. Mitos Magsaysay, na aktibong nakikilahok sa imbestigasyon ng House committee on games and amusement sa P400 million natalo sa PAGCOR casinos sa dayuhang sindikato noong Mayo.
Ayon kay Rep. Magsaysay, nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang komite upang i-determina ang pananagutan ng PAGCOR officials sa isyu.
Kasabay nito, hiniling ng isang online anti-corruption group na kilala bilang Grupo Kontra Kurakot (GKK) kay PAGCOR chairman Cristino Naguiat na ipaliwanag ang kanyang katahimikan sa isyu ng mahigit dalawang buwan bago ito natuklasan ni Quezon Rep. Danilo Suarez.
Sa inisyal na pagdinig, kinastigo ni Magsaysay ang PAGCOR officials sa pagpayag nilang makaalis ng bansa ang tatlong miyembro ng sindikato dala ang pera.
Ang tatlo, kabilang ang notoryus na si Ben Lui, ay nakapuslit sa bansa matapos sampahan lang ng Department of Justice (DOJ) ng mahinang simple estafa case.
Nagtataka ang GKK kung bakit pinayagan si Lui na maglaro sa casino gayong ban na ito sa lahat ng PAGCOR casinos, at iba pang sugalan sa buong mundo.