Belmonte hinamon ang kapartido
MANILA, Philippines - Hinamon ni House Speaker Feliciano Belmonte ang kapartido nito sa Liberal Party (LP) na dalhin na lamang sa korte ang kanyang reklamo laban sa Internal Allotment Revenue (IRA) ng mga Local Government Units (LGUs).
Ito’y matapos na mapikon si Belmonte at mga kapartido nito kay Batangas Rep. Hermilando Mandanas dahil sa umano’y pag-aalburoto nito tungkol sa IRA ng LGUs na pinipigil umano ng Malacañang.
Giit ng House Speaker, sa halip na ibulalas sa publiko ang kanyang sama ng loob ay maari naman itong makipagdayalogo at makipagnegosasyon o kung hindi ay magharap na lamang ito ng kaso sa hukuman.
Paliwanag pa ni Belmonte, mismong si Mandanas na umano ang nagsasabi na mayroon nang desisyon ang Korte Suprema tungkol sa IRA ng mga LGUs.
Nabatid na hindi nagustuhan ni Belmonte ang pahayag ni Mandanas na dahil wala sa 2012 proposed national budget ang 60 bilyong pisong dapat ay IRA ng mga LGUs ay illegal na pag-usapan ang 2012 budget.
Sa panig naman ni House Deputy Speaker Erin Tanada, bilang miyembro ng LP, dapat alam ni Mandanas kung saan siya lulugar sa halip na siya ang bumabatikos sa administrasyon.
NIlinaw naman ni Belmonte na sa ngayon ay pinag-iisipan pa lamang ng liderato ng Kamara kung mananatili pa rin ng chairman ng House Committee on Ways and Means matapos ang pambabatikos nito sa sariling partido. (Butch Quejada/Gemma Garcia)
- Latest
- Trending