Pagdinig sa Maguindanao massacre naudlot, walang court interpreter
MANILA, Philippines - Naudlot ang hearing kahapon sa sala ni QC RTC Judge Jocelyn Reyes hinggil sa Maguindanao massacre case dahil ang abogado na siya ring translator ay wala kahapon dahil sa kanyang karamdaman.
Inabisuhan ni Judge Reyes ang panig ng prosekusyon at depensa na ngayong Huwebes na lamang itutuloy ang pagdinig sa halip na kahapon dahil si Atty. Rolando Abo ay maysakit. Si Abo ay siya ring nagta-translate sa mga witnesses sa kaso dahil hindi makapagsalita ang mga ito ng Filipino o ng English dahil alam lamang ay ang salitang Maguindanaoan.
Dahil sa wala si Abo, hindi nabasahan ng sakdal kahapon ang lima pang akusado sa krimen, dalawang pulis at tatlong miembro ng civilian volunteer organization na nakakaunawa lamang ng salitang Maguindanaoan.
Bunsod nito, hinikayat ni Judge Reyes ang prosekusyon na ang lahat ng nakahanda niyang mga witnesses sa kaso sa bawat araw ay kailangan may translator na agad na nakahanda upang hindi mabulilyaso ang pagpapatuloy ng pagdinig sa kaso
Samantala, kahit natuloy ang pagdinig kahapon sa naturang kaso ay hindi rin makakarating si Maguindanao massacre prime suspect Andal Ampatuan Sr. na inatake ng pagkahilo at tumaas ang presyon sa 140/90.
Hindi rin anya umiinom ng gamot si Andal Sr. dahil sa ginagawa nitong fasting kaugnay ng Ramadan na nagsimula noong Lunes.
- Latest
- Trending