MANILA, Philippines - Idiniin kahapon si dating first gentleman Jose Miguel Arroyo na sangkot sa bentahan ng second hand na helikopter sa Philippine National Police (PNP) noong 2009.
Sinabi ni Archibald Legaspi Po, presidente ng Lion Air Inc. na siya ang nagbenta ng 5 Robinson helicopters kay FG noong 2004 upang magamit sa pangangampanya. Nasa $95,000 bawat isa ang halaga ng helikopter.
Ayon kay Po, nag-inquire sa kaniya si FG noong 2003 tungkol sa mga pinarerentahang helikopter ng Lion Air.
Pinayuhan umano niya si Arroyo na bumili ng Robinson R44 Raven helicopters na ang presyo ng lima ay katumbas lang ng isang European helicopter.
Pumayag umano si FG pero nag-request ito na ang limang helicopters ay iparehistro sa Asian Spirit na dating pag-aari ni Po. Hiniling pa umano ni FG kay Po na lumagda sa limang blangkong deeds of sale na walang nakalagay na buyers.
Noong 2006, ipinaalam umano ni FG kay Po na ibebenta niya ang mga helicopter sa presyong $350,000 bawat isa.
Sinabi ni Po na kinausap ng Manila Aerospace Products Trading Corp. (MAPTRA) ang Lion Air na gumawa ng proposal para sa isang brand new Raven II at dalawang brand new Raven I standards.
Sinabi pa ni Hilario de Vera, may-ari ng MAPTRA na ipinarating sa kaniya ni Po na hindi pumayag si FG na gawing bago ang dalawa sa tatlong helicopters at ang gusto umano nito ay isa lamang ang brand new.
Noong Hunyo 15, 2008, nagsumite ang MAPTRA ng panibagong proposal para sa isang brand new R44 Police Helicopter at dalawang pre-owned Standard Helicopters.
Noong July 23, 2009 nakatanggap umano ng tawag si de Vera mula sa bids and awards committee ng PNP na nagsasabing magtungo sila sa Camp Crame sa Quezon City para lagdaan ang delivery contract para sa tatlong three brand new units ng helicopters.
Hiniling na ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na ipatawag ng komite si FG sa susunod na hearing.
Hiniling din ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa Department of Justice at Malacañang na ilagay sa immigration watchlist si FG.