Pekeng E-cigarettes nasamsam ng NBI
MANILA, Philippines - Nasamsam ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tinatayang P200,000 ng pekeng electronic cigarettes kasabay nang pagkadakip sa apat na Chinese at dalawang Taiwanese nationals sa ginawang pagsalakay sa loob ng dalawang mall sa Maynila kahapon ng hapon.
Ayon kay NBI Director Magtanggol Gatdula, sa reklamong idinulog sa NBI-Intellectual Property Rights Division (IPRD ng Eastwide Enterprises sa pamamagitan ng kinatawan na si Atty. Clarence Clifford, nagkalat umano na ibinebenta sa ilang tindahan sa Divisoria ang E-cigarettes na nagtataglay ng kanilang brand name, kahit hindi sa kanila nagmula ang produkto.
Dahilan ito para salakayin ng NBI agents ang 10 stalls sa loob ng 168 Mall at New Divisoria Mall sa Binondo, Maynila, dakong ala-1:00 ng hapon.
Hindi pa napangalanan ang mga dayuhang naaresto na kinabibilangan ng 2 lalaking Taiwanese at 4 na babaeng Chinese.
Ani NBI-IPRD chief, Head Agent Lawyer Rommel Vallejo, inireklamo din ng nasabing kompanya ang unfair competition dahil ang nasabing pekeng produkto ay ibenebenta sa halagang P300 kumpara sa kanilang produktong orihinal na nagkakahalaga ng P1,200.
“Delikado din ito (mga fake E-health cigarettes) kasi mabilis makalawang ang piyesa, at mapanganib sa kalusugan,” ani,” De Guzman.
Umabot sa 232 piraso ng pekeng E-cigarettes ang gagamitin nilang ebidensiya laban sa mga suspect para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 8293 (intellectual Property Code), subalit inaalam pa nila kung sino ang may-ari ng mga tindahan at nagbabagsak nito.
- Latest
- Trending