MANILA, Philippines - Sinalanta ng buhawi ang dalawang komunidad na ikinasugat ng 20-katao habang nasa 50 namang kabahayan ang napinsala sa Cagayan de Oro City noong Biyernes ng hapon.
Sa pinakahuling ulat ng Cagayan de Oro City Disaster Risk Reduction and Management Council na ipinarating sa tanggapan ni National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Benito Ramos, agad na isinugod sa ospital ang ilan sa biktima.
Kabilang sa mga nasugatan ay ang fish vendor na si Edwin Saguilayan, 34, ng Zone 10, Brgy. Patag.
Bandang alas-3:10 ng hapon nang magulantang ang mga residente ng Zone 2, 10 at 11 sa Brgy. Patag gayundin sa Brgy. Buala sa malakas na hangin at ugong sa himpapawid na kanilang narinig na sinundan ng pananalasa ng buhawi.
Naitala namang sa 70-pamilya ang naapektuhan kung saan ay 50 kabahayan ang tuluyang nawasak.
Nabatid na maraming mga punong kahoy din ang nabuwal kung saan ilan dito ay dumagan sa kabahayan.
Kasalukuyan namang kinukupkop sa brgy. hall ang mga residenteng naapektuhan.