'Kabayan' narito pa hanggang Miyerkules
MANILA, Philippines - Maulan ngayong weekend sa Metro Manila at ibang bahagi ng Western Luzon dahil sa monsoon rains na bunsod ng bagyong si Kabayan.
Ito ang nabatid sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration kahapon.
Sinabi ni PAGASA forecaster Ricky Fabregas na maaaring manatili sa bansa hanggang Miyerkules si Kabayan habang mabagal na lumalabas sa teritoryo ng Pilipinas ang isang high pressure area.
“Kung pagbabasehan natin ang ikinikilos niya, sa darating na Miyerkules maaring lumabas na ito sa Philippine area of responsibility. Meron kasing high-pressure area sa itaas nito, yan ang dahilan bakit mabagal ang pagkilos nito,” paliwanag ni Fabregas.
Sinabi pa ni Fabregas na makakaasa ng mga pag-ulan ang kalakhang Maynila at ilang bahagi ng kanlurang Luzon sa pagbubunsod ni Kabayan sa southwest monsoon habang kumikilos ito nang pahilaga.
Hanggang kahapon ng alas-2:00 ng madaling-araw, tinataya si Kabayan na nasa layong 870 kilometro mula sa silangan-hilagang silangan ng Virac, Catanduanes.
Tinataya rin na, sa gabi ng Linggo, nasa layo itong 860 kilometro mula sa silangan ng Basco, Batanes at sa Lunes ng gabi ay nasa layong 895 kilometro mula sa silangan-hilagang silangan ng Basco.
“Dadanas ng monsoon rain ang kanlurang bahagi ng Luzon habang sa ibang bahagi ng bansa ay magiging maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat,” sabi pa ng PAGASA.
- Latest
- Trending