MANILA, Philippines - “We would like to extend our apologies to the Filipino nation, especially to Madam Susan Roces, for the error at this point we are trying to rectify.”
Ito ang sinabi ni Police Sr. Supt. Rafael Santiago at ang kanyang mga tauhan matapos itong humingi ng tawad sa sambayanan at sa actress na si Susan Roces, misis ng yumaong aktor na si Fernando Poe Jr., kaugnay sa ginawa nilang pagpapalit ng mga election returns noong 2005.
Kahapon ay buong tapang na dumating sa Department of Justice (DOJ), si Santiago at lima pa niyang tauhan upang ibigay ang natitirang election returns kay Justice Secretary Leila de Lima.
Ayon kay Santiago, nais nilang ilantad ang katotohanan kasabay ng paglilinaw na hindi sila naging bahagi sa malawakang dayaan noong 2004 elections.
Nilinaw ni Santiago na hindi nila plinanong masangkot at mandaya sa 2004 elections.
Napag-utusan lamang umano sila na gumawa ng paraan upang mapeke ang Certificate of Canvass (COC) ng Mindanao na mga nakalagak sa Batasan Pambansa.
Kasama ni Santiago na humarap kay de Lima sina PO2’s Rudy Gajar, Alan Layugan, Rodel Tabangin at Triffon Laxamana at PO1 Norman Duco, pawang aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, legal counsel ni Santiago, hindi pa nakapaghain ng affidavit ang mga naturang pulis dahil nahihirapan silang makabalangkas ng salaysay dahil palipat-lipat sila ng lugar dulot ng security concerns.
Inamin ni Santiago na bagama’t mali ay hindi sila nakatanggi sa utos sa kanila noon dahil sa kultura ng Special Action Force na sumunod muna bago sumuway.
Paliwanag pa ng police colonel, ngayon na ang tamang panahon upang maisiwalat nila sa publiko ang kanilang mga nalalaman. Hindi rin aniya sila takot sa mga mangyayari na kanila na ring pinaghandaan.
Sa halip na affidavit, inilipat na lamang ng kampo ni Santiago sa DOJ ang 38 kopya ng election returns o ERs na kanilang kinuha mula sa kahon-kahong dokumento na ibiniyahe nila noon sa gusali ng Kamara na tumatayong National Board of Canvassers.
Tiniyak ni de Lima na bibigyan ng proteksiyon ang grupo ni Santiago na naglantad ng ballot switching sa 2004 election.
Ayon sa kalihim, isasailalim muna sa ebalwasyon ang mga affidavit ng mga naturang pulis na pawang aktibo pa sa serbisyo.
Magugunitang ibinunyag ni Santiago na sila ang nagnakaw ng mga election returns noong 2005 at pinalitan ito ng mga peke upang palabasin na si dating Pangulo at kasalukuyang Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang nanalo noong 2004 elections.
Samantala, nagpaaabot naman ng pasasalamat si MTRCB Chairperson Grace Poe-Llamanzares, anak ni FPJ, sa paglutang ni Santiago.
Ayon kay Llamanzares, malaki ang paniwala ng kanyang ina na si Ms. Susan Roces na si Santiago at mga kasamahan nito ay biktima rin ng pangyayari dahil napag-utusan lamang sila. (May ulat si Angie dela Cruz)