MANILA, Philippines - Tuloy na ang operasyon ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang “cervical spine” ngayong Biyernes sa St. Luke’s Medical Center sa Global City, Taguig.
Sa medical bulletin na inilabas ni Dr. Juliet Cervantes, attending physician ni Arroyo, dakong alas-7 ng umaga ngayong araw uumpisahan ang maselang operasyon na napagkasunduan na ng buong pamilya Arroyo kabilang na ang dating Pangulo.
Tatagal ang operasyon ng apat hanggang limang oras at saka agad na ililipat ito sa Surgical Intensive Care Unit (ICU) upang makarekober ang katawan sa “procedure” bago ito ilipat sa kanyang kuwarto sa pagamutan.
“Former president Gloria Macapagal -Arroyo is set to undergo a four to five hour cervical spine operation tomorrow morning. Doctor are confident, the operation will run smoothly and Mrs. Arroyo will only need 7 days for recovery and only family members and political allies have been allowed to visit the former president,” ayon kay Dr. Cervantes.
Nauna nang sumalang sa iba’t ibang pagsusuri si Arroyo bunsod na rin ng naipit na ugat sa kanyang batok.
“Psychologically , emotionally at spiritually ready na siya sa gagawing operasyon sa kanya” dagdag pa ni Atty. Raul Lambino, tagapagsalita ni Gng. Arroyo.