MANILA, Philippines - Isang maselang operasyon sa “cervical spine” ang nakatakdang isagawa kay dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo makaraang isugod ito sa St. Lukes Medical Center sa Global City, Taguig kamakalawa.
Sa pinakahuling medical bulletin na inilabas ni Dr. Juliet Cervantes, ang attending physician ng dating Pangulo, nagkaroon ng problema ang ugat sa leeg ng kongresista na posibleng maging sanhi umano ng pagkaparalisa kapag hindi kaagad na-operahan.
Aminado ang mga doktor na magiging delikado ang isasagawa nilang operasyon sa dating Pangulo dahil sa napakasensitibo ng mga ugat na maaaring tamaan na siyang nagpapagalaw sa braso at kamay ng pasyente.
Kasalukuyang naghahanda na umano si Arroyo sa mga kakailanganin para sa naturang operasyon.
Matatandaan na isinugod si Arroyo sa naturang pagamutan nitong Lunes ng gabi matapos na dumalo sa pagbubukas ng Kongreso at aktibidad sa Porac, Pampanga kung saan hindi ito dumalo sa SONA ni Pangulong Aquino.
Sinabi ni Dr. Cervantes na maaaring ang matinding stress at sobrang trabaho ang dahilan ng paglala ng kundisyon sa cervical spine ni Arroyo.
Kapag natapos ang operasyon ay maaring magpahinga muna ng dalawang linggo si Arroyo para sa kanyang recovery period.
Samantala, hiniling kahapon ng Malacañang sa publiko na ipagdasal ang maagang paggaling ni Congw. Arroyo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hangad ng Palasyo ang maagang paggaling ng dating Pangulo. (Dagdag ulat nina Rudy Andal/Gemma Garcia)