Manila, Philippines - Mismong si deputy presidential spokesperson Abigal Valte ang nagbigay kahapon ng hotline ng Department of Foreign Affairs na 824-4444 upang makatawag ang mga mamamayan na hindi makontak ang kanilang mga kamag-anak o kaibigan sa Norway.
Bagaman at walang naiulat na Pinoy na nadamay sa dalawang insidente ng karahasan sa Norway, sinabi ni Valte na nagulat din ang Malacañang sa nangyari lalo pa’t ang nasabing bansa ang tumatayong 3rd party facilitator sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NDF.
Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang gobyerno sa pamilya ng mga nasawi sa dalawang insidente ng karahasan kung saan ang isa ay naganap sa isang youth summer camp kung saan maraming kabataan ang namatay dahil sa pamamaril ng isang nagpanggap na pulis.
Kinokondena rin ng Malacañang ang nasabing karahasan at nakikipag-ugnayan na sila sa DFA upang alamin ang kalagayan ng mga Filipino sa nasabing bansa.