MANILA, Philippines - Ipapatawag ng PNP-Criminal Investigation Group ang may 30 katao kabilang si dating PNP Chief ret. Director General Jesus Verzosa kaugnay ng posibleng pagsasampa ng kasong kriminal sa umano’y anomalya sa overprice na dalawa sa tatlong helicopters at 75 units ng rubber boats na binili noong 2009.
Sa press briefing, sinabi ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr. na binuo na rin ang dalawang investigating team para mapabilis ang imbestigasyon at makasuhan ang mga dating opisyal na sangkot sa irregularidad.
Si Sr. Supt. Chris Laxa ang mamumuno sa Investigating team for helicopters habang ang Investigating team for rubber boats ay pamumunuan ni Chief Supt. Benito Estipona.
Ang imbestigasyon ay kasunod ng pagbubulgar ni Senador Panfilo Lacson na overprice ang tatlong Robinson R44 helicopters na nabili sa halagang P105M gayung segunda mano ang dalawa sa mga ito.
Ibinuking rin ni DILG Secretary Jesse Robredo na may nangyaring katiwalian sa procurement ng 75 units ng rubber boats na binayaran ng PNP sa halagang P131.5 M.
Bukod kay Verzosa, ipapatawag din ang mga miyembro ng PNP Bids and Awards Committee.