MANILA, Philippines - Nanawagan kay Justice Secretary Leila de Lima ang grupong Concerned National Printing Office Employees hinggil sa umano’y panggigipit ng isang kontratista sa mga empleyado ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagsasampa laban sa mga ito ng walang basihang kasong administratibo at kriminal matapos umanong matalo sa bidding.
Sa pamamagitan ng isang sulat, ipinaalam ng grupo kay de Lima ang hinggil kay Guillermo Sylianteng Jr. na umano’y may-ari ng Ready Forms at ang mga kasong isinampa nito laban sa mga opisyal ng NPO at iba pang empleyado ng gobyerno na ang ilan ay napatalsik niya sa puwesto.
Isinumite rin ng grupo kay de Lima ang mga dokumentadong katibayan para suportahan ang akusasyon nila kay Sylianteng.
“Ugali na po ni Sylianteng na magsampa ng kaso laban sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno kapag natatalo sa bidding para sa proyekto ng pamahalaan,” sabi ng grupo sa sulat nila kay de Lima.
Marami na umanong napatanggal na empleyado ng pamahalaan si Sylianteng na kanyang sinampahan ng mga walang batayang kaso na nakalusot pa rin dahil umano sa ipinagmamalaking “impluwensiya” sa mga hukuman.
Idiniin pa ng grupo na gusto lang nilang maging patas sa pamamagitan ng pagbusisi sa kredibilidad ni Sylianteng bilang complainant dahil dapat maging malinis ang mga dumudulog sa korte.
Hiniling pa nila sa kalihim na alamin ang lahi ni Sylianteng kung isa itong Pilipino o dayuhan at kung legal ba siyang magnegosyo sa bansa.