Tacloban, Leyte ,Philippines – Sa pamamagitan ng tamang pagpaplano sa paggamit ng lupa, makakatulong ang sektor ng pabahay para maiwasan ang mga trahedyang dulot ng mga natural na kalamidad.
Ito ang inihayag dito kamakailan ni Vice President and Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Chairman Jejomar C. Binay.
“Alam nating lahat ang nangyari noon sa St. Bernard, Southern Leyte. Gumuho ang isang bahagi ng bundok at ilang bahay ang natabunan ng lupa na ikinasawi ng maraming tao,” sabi ni Binay sa ginanap na HUDCC Pabahay Caravan sa lalawigan.
“Ituring man na isang environmental disaster ang nangyari, may magagawa pa rin ang sektor ng pabahay upang maiwasan ang ganitong sakuna. Ito ay sa pakikipagtulungan ng mga LGUs (local government units) at sa pamamagitan ng pagbuo ninyo ng Comprehensive Land Use Plan o mas kilala sa tawag na CLUP,” dagdag ng Bise Presidente.
Pinuna ni Binay na, sa 143 lunsod at munisipalidad sa Region VIII, 52 lang ang merong bagong CLUP.
“Ang wasto at pinag-isipang CLUP ay isang matalino at matibay na gabay sa tamang paggamit ng LGUs ng kanilang mga lupain,” sabi ng housing czar.
Idinagdag niya na, sa CLUP, natutukoy ng pamahalaang lokal ang mga lupang angkop sa pabahay, agrikultura, komersiyo at iba pa.
Tiniyak ni Binay sa mga ehekutibo ng pamahalaang lokal na gagabayan sila ng Housing and Land Use Regulatory Board sa pagbuo nila ng plano sa paggamit ng lupa.
“Sabihin lamang po ninyo at tutulungan namin kayo upang maiwasan na natin ang magtayo ng kabahayan sa mga lugar na bahain at magawan natin ng plano upang masolusyonan ang inyong problema sa pabahay,” sabi rin ni Binay.