MANILA, Philippines - Matapos talikuran ang sariling ama at kapatid, idiniin naman ni dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan sina dating pangulo at ngayo’y Rep. Gloria Arroyo at dating First Gentleman Mike Arroyo na umano’y nasa likod ng dayaan sa halalan noong 2007 sa Maguindanao.
Sa isang panayam kay Zaldy ng ABS-CBN, ibinunyag nito na puno ng dayaan ang halalan nong 2007. Enero 2007 pa lamang anya ay buo na ang planong lutin ang halalan at ang promotor umano ay ang dating unang ginoo.
Wika ni Zaldy, ang boto umano na ibinawas kina Pangulong Noynoy Aquino, Sen. Panfilo Lacson at Sen. Alan Peter Cayetano na tumatakbo sa pagka-senador noon ay idinagdag umano sa boto ni Sen. Juan Miguel Zubiri.
Alumpihit umano si Arroyo na maipanalo si Zubiri dahil nakakahiya raw mabokya ang manok ng Pangulo. Nagpadala din umano ng dagdag na pera si Arroyo para maareglo ang nangyaring dayaan.
Agad namang itinanggi ng dating first gentleman ang akusasyon ni Ampatuan. Pinabulaanan din ni Zubiri na may kinalaman siya sa sinasabing dayaan.