MANILA, Philippines - Sinimulan na ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang sarili nitong imbestigasyon kaugnay ng mga mamahaling sasakyan na tinanggap umano ng ilang Obispo ng Simbahang Katolika mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Si Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal ang aatasang manguna sa gagawing imbestigasyon.
Gayunman, tumanggi ng magbigay pa ng karagdagang detalye si Vidal hinggil sa itatakbo ng pagsisiyasat.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Butuan Bishop Juan de Dios Pueblos na dadalo ito sa susunod na pagdinig ng Senado hinggil sa PCSO issue.
Tumanggi na rin si Pueblos na magbigay ng iba pang pahayag dahil baka mapre-empt nito anuman ang sasabihin niya sa Senado.
Noong Biyernes, una ng sinimulan ng CBCP ang plenary assembly nito kung saan kasama sa kanilang tinatalakay ay ang isyu ng pagtanggap ng mamahaling sasakyan ng ilang miyembro nila.
Suportado naman ni Caloocan Bishop Deogracias Iñiguez ang gagawing imbestigasyon ng CBCP pero dismayado siya sa negatibong resulta na idinulot ng mga alegasyon laban sa ilang obispo.
“Sa ngayon kasi, ang naisip ko lang ngayon, yung very negative impact sa mga tao which is the reflection na ganun ang pagtingin nila sa mga obispo, ganun ang pagtingin sa mga agencies ng gobyerno, na parang di nila mareconcile na magkaisa,” dagdag pa ni Iniguez.
Tumanggi naman itong magkomento kung may mga pagkakamali bang nagawa ang ilang obispo na tumanggap at nanghingi ng sasakyan.
Samantala, kumpiyansa naman si Novaliches Bishop Teodoro Bacani na malalagpasan ng simbahan ang PCSO issue.