Speed limit sa PUVs
MANILA, Philippines - Sa gitna ng panukala na ipatupad na rin ang 60 kph na takbo ng mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila, iginiit naman ni Sen. Antonio Trillanes ang kaniyang panukalang batas na lagyan ng mga speed limiting devices ang mga public utility vehicles (PUVs).
Napuna ni Trillanes na kalimitan ay mga PUVs ang mga naghahari-harian sa kalsada dahil naghahabol ng kita ang mga driver.
Ayon kay Trillanes, kung may device na magpapabagal ng takbo ng sasakyan sa mga PUVs ay tiyak na bababa rin ang aksidente sa mga lansangan.
Sinabi ni Trillanes na 78 porsiyento ng populasyon ng bansa ay sumasakay sa bus, dyip, taxi, at tricycles samantalang 44 porsiyento naman ng aksidente ay nangyayari dahil sa mabilis na takbo ng sasakyan.
“Considering that 78 percent of the population rely on buses, jeepneys, taxis, trains and tricyles for mobility, and 44 percent of road accidents caused by speeding, that is really quite alarming,” ani Trillanes.
Ipinunto pa ni Trillanes ang ulat ng World Health Organization (WHO) na nagsasabing umaabot sa 2.4 milyon ang namamatay sa mundo taun-taon dahil lamang sa road accidents.
Lumabas naman umano sa lokal na pag-aaral na sa Metro Manila lamang, umaabot sa 50 ang road accidents na nagaganap araw-araw.
Naniniwala si Trillanes na sa kaniyang Senate Bill 2790 o “Speed Limiters Act of 2011,” mas mababawasan ang mga aksidente.
Sa ilalim ng panukala ni Trillanes, ang mga may-ari ng sasakyan ang bibili ng mga device na magpapabagal sa takbo ng kanilang mga sasakyan.
Ang Department of Transportation and Communication (DOTC) naman ang aatasang mamahala at mag-inspeksiyon ng mga speed limiting devices.
- Latest
- Trending