MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon sa Aquino government ang OFW na si Rogelio “Dondon” Lanuza, 34, na nasentensyahan ng bitay sa Saudi Arabia na tulungan siyang makakalap ng P35-milyong “diyya” o “blood money” kapalit ng kanyang kalayaan.
Mismong si Lanuza ang nag-text at tumawag sa Migrante-Middle East na humihiling na iparating sa gobyerno na kailangan niya ang nasabing halaga matapos na pumayag ang pamilya ng kanyang napatay na siya ay mapatawad kapalit ng blood money.
Si Lanuza ay kasalukuyang nakapiit sa Dammam Central Jail sa eastern region ng Saudi Arabia simula noong Agosto 2000 matapos mahatulan ng parusang “death by beheading” dahil sa pagpatay sa Saudi national noong Nobyembre 2000.
“Please ask PNoy and the DFA; baka magbago na isip ng aggrieved party, at pugot na ulo ko bago nyo mapatunayan na napatawad na ako. By month of Ramadan sana maibigay ang blood money,” ang bahagi ng text message ni Lanuza kay Migrante regional coordinator John Leonard Monterona na ipinadala kamakalawa.
Ayon kay Lanuza, lumampas na sa takdang araw ang ibinigay na taning ng pamilya ng biktima kaya nangangamba siya na baka magbago ang isip ng mga ito at bawiin ang unang pahayag na payag na silang tumanggap ng blood money.
Sa pulong balitaan kahapon, sinabi naman ni Foreign Affairs Usec. Esteban Conejos na sa batas na sinusunod ng Saudi ay suspindido ang anumang gagawing eksekusyon sa mga Pinoy na nasentensiyahan ng bitay hanggang sa maabot ng anak ng biktima ang edad na 18 anyos.
Sinabi ni Conejos na isa si Lanuza sa may kasong ganito kung saan 13 anyos pa lang ang anak ng napatay na Saudi national kaya hihintayin pa ng korte na maabot nito ang legal age na 18 upang makapag-desisyon ang huli kung itutuloy ang bitay o patatawarin ang akusado.
Ayon kay Monterona, nakausap na niya si Ambassador Ezzedin Tago ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh hinggil sa pagkalap ng nasabing blood money subalit wala pa umanong malinaw na sagot ang pamahalaan.
Bukod kay Lanuza, nagpapasagip din sa gobyernong Aquino ang OFW na si Joselito Zapanta, 32, na nasa death row at nakapiit sa Malaz Central Jail sa Riyadh simula noong Hunyo 2009 dahil sa pagpatay sa isang Sudanese national matapos na tanggihan ang kanyang alok na blood money sa pamilya ng kanyang napatay.
Sina Lanuza at Zapanta ay nakapatay dahil sa pagtatanggol sa kanilang sarili.
Kabilang pa sa mga Pinoy na nakatakdang bitayin sa Saudi sina Rolando Gonzales at kapatid na si Edison; Eduardo Arcilla at Carlito Rana.