MANILA, Philippines - Naglaan ng P225 million budget para sa pagtatayo ng mga bagong silid-aralan si Valenzuela City Mayor Sherwon Gatchalian bilang bahagi ng pag-aayos sa sistema ng edukasyon sa lungsod.
Ayon kay Gatchalian, mas komportable ngayon ang mga mag-aaral ng anim na pampublikong paaralan ng lungsod matapos maitayo ang 50 bagong silid-aralan kasabay ng pagbubukas ng klase ngayong taon.
Sa ulat ng City Engineering Office, tinatayang aabot sa P77,513,006.97 ang pondong ginugol ng Local School Board (LSB) para matapos ang mga proyekto.
Karagdagang 49 silid-aralan pa ang agad ipinatayo at malapit nang matapos upang matugunan ang pangangailangan ng lumalaking bilang ng mga mag-aaral sa lungsod.
Ang mga konstruksyon ay tugon ng Lungsod upang maibaba ang student-to-classroom ratio sa pamantayang 45:1 para sa elementarya at 50:1 para sa sekondarya. Ang Lungsod ay kasalukuyang may ratio na 48:1 para sa elementarya at 54:1 naman para sa sekondarya.
Mas mababa ito kumpara sa average na 85:1 ratio sa buong National Capital Region (NCR).
Nangako si Gatchalian na ibibigay ang dekalidad na edukasyon sa pamamagitan ng pagtuon sa mga proyektong imprastraktura na magpapatibay sa kapasidad ng Lungsod na mapagsilbihan ang mga mag-aaral na Valenzuelano.