Magniniyog nagpakalbo vs coco levy fund decision ng SC

MANILA, Philippines - Sampung magniniyog ang nagpakalbo ka­hapon bilang protesta upang ipa­kita ang matinding pag­kondena sa naging desisyon ng Korte Suprema sa coco levy fund.

Sa desisyon ng SC, idineklara nitong legal na pagmamay-ari ni Dan­ding Cojuangco ang 20 percent na shares sa San Miguel Corporation na sinasabing binili sa pamamagitan ng coco levy.

Ayon kay Joey Faustino, executive director ng Coconut Industry Re­form Movement, hindi ka­tanggap-tanggap sa kanilang hanay ang na­ging teknikal na basehan ng Korte Suprema sa desisyon nito na na­bigo ang prosekusyon na ma­patunayang Marcos crony si Cojuangco.

Iginiit ni  Faustino na dapat maibalik sa mga magniniyog ang coco levy dahil dugo at pawis ang puhunan nila dito.

Kaugnay nito, balak na ipadala ng naturang grupo sa Korte Suprema ang mga buhok na ginupit sa mga nagpakalbong magniniyog bilang bahagi ng kanilang protesta.

Pinag-aaralan na rin umano ng naturang grupo ang susunod na hakbang para ipilit ang karapatan ng mga coco­nut far­mers sa pamama­gitan ng paghahain ng mo­tion for reconsideration hinggil dito.

Show comments