MANILA, Philippines - Inatasan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga tauhan ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) at mga barangay police na hulihin ang mga taong lalabag sa “smoking ban” na sinimulang ipatupad noong Biyernes.
Magiging kaagapay ng RDPSTM at ng mga barangay police sa pagpapatupad ng smoking ban sa mga pampublikong lugar sa buong lungsod ang mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay Mayor Echiverri, walang sisinuhin ang mga naatasang ahensiya na hulihin ang mga lalabag sa smoking ban dahil isa itong paraan upang mabigyan ng tamang disiplina ang mga residente sa kanilang paninigarilyo.
Nagbabala naman si Recom sa mga magpapatupad ng smoking ban na huwag gawing “gatasan” ang naturang batas kasabay ng pagpapaalala nito sa mga mahuhuling “yosi kadiri” na huwag mag-atubiling magsumbong sa tanggapan ng alkalde kapag may nanghuli na umabuso sa kanilang kapangyarihan.