Manila, Philippines - Pinaplano na ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagbili ng anim na fighter jets upang mapalakas pa ang kapabilidad ng depensa ng hukbong panghimpapawid ng bansa.
Ito’y sa gitna na rin ng umiinit na tensiyon sa pagitan ng mga bansang nag-aagawan sa pag-aangkin sa Spratly Islands.
Sa press conference sa ginanap na ika-64 anibersaryo ng pagkakatatag ng Philippine Air Force (PAF) kahapon, sinabi ni Gazmin na ang pagbili ng mga bagong jet fighters ay bahagi ng medium term capability upgrade ng hukbong sandatahan.
“Within the term of the present administration magkakaroon tayo (jet fighters) that is realistic,” ani Gazmin sa mediamen.
Sinabi naman ni PAF Spokesman Lt. Col. Miguel Ernesto Okol, ang isang jet fighter ay nagkakahalaga ng mula $23M hanggang $40M.
Ayon sa AFP, anim na intrusyon na ang isinagawa ng China sa pinagtatalunang Spratlys simula lamang nitong Pebrero 2011.
Magugunita na ang pitong unit ng F-5 na huling fighter jet ng PAF ay na-phaseout na at nakagarahe na lamang noong 2005 pa dahil masyado ng luma matapos ang 40 taong serbisyo.