OFWs na apektado ng ban sa Saudi dapat tulungan
Manila, Philippines - Dapat maging maagap ang gobyerno sa pagtulong sa mga overseas Filipino workers na maaapektuhan ng bagong polisiya nila kung saan ipagbabawal na umano ang pagkuha ng mga domestic helpers mula sa Pilipinas.
Ayon kay Sen. Loren Legarda, dapat makipag-usap kaagad ang gobyerno sa foreign at labor officials ng Kingdom of Saudi Arabia at linawin kung ano ang mangyayari sa mga domestic helpers na kasalukuyang nagta-trabaho sa nasabing bansa.
Nakatitiyak si Legarda na hindi lamang ang mga Pinoy ang maaapektuhan ng “Saudization” kundi maging ang kanilang pamilya sa Pilipinas.
“It’s time for the DFA to initiate and pursue the convening of the Joint Commission Meeting (JCM) with the Saudi government to discuss various matters OFWs there,” pahayag ni Legarda, chairman ng Senate committee on foreign relations.
Bukod sa pagbabawal ng pagpasok ng mga domestic helpers mula sa Pilipinas, mas bibigyan prayoridad na rin umano ng Saudi ang kanilang sariling mamamayan sa pagbibigay ng trabaho.
Ayon kay Legarda, dapat matiyak na mabibigyan ng proteksiyon ang mga OFWs na kasalukuyang nasa Saudi dahil posibleng maging daan ang bagong polisiya ng KSA upang sila ay maabuso.
Dapat rin aniyang matiyak na ang mga OFWs ay mabibigyan ng trabaho sa mga bansa kung saan mabibigyan sila ng proteksiyon.
“The government must ensure that our OFWs continue to work only in countries where their rights are protected,” anang senadora.
Umaabot sa 1.5 milyong OFWs ang nagta-trabaho sa Saudi.
- Latest
- Trending