Magkaisa! - PNoy
MANILA, Philippines - Muling nanawagan si Pangulong Noynoy Aquino ng boluntaryong pakikiisa ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng “Pilipinas Natin” campaign program para sa ikauunlad ng bansa.
Sa kanyang Ulat sa Bayan kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City para sa unang taong panunungkulan, sinabi ng Pangulo na ang Pilipinas Natin ay sumasakop sa kahalagahan ng pagtutulungan ng lahat ng Pilipino saan man siya galing at grupong kinaaaniban upang tumatag at mapahusay ang responsibilidad ng bawat isa at magsilbing pundasyon sa pag-unlad ng bawat mamamayan.
Ayon sa Pangulo, mula nang mailuklok sya sa puwesto, nagkaroon na ng kumpiyansa ang taong-bayan sa gobyerno at nagkaisa. Napakarami na rin ang gustong makibahagi sa pagbabago hindi tulad ng dati na walang pakialam at marami aniya ang naniniwala sa daang-matuwid na isinusulong ng kanyang administrasyon.
Ayon pa sa Pangulo, unti-unti ng nakikita ang liwanag na kanyang ipinangakong tuwid na daan noong unang araw na umupo sa puwesto.
Sa taong 2013 ay hindi na aangkat ng bigas ang gobyerno sa ibang bansa dahil supisyente na ang ani ng mga magsasaka bunsod ng mga inilatag na programa ng Department of Agriculture.
Ang suweldo ng mga kawani ng gobyerno ay unti-unti na umanong nai-aangat sa bisa na rin ng isinusulong na salary standardization law.
Ipinagmalaki rin ng Pangulo, sa unang taon ng kanyang panunungkulan ay marami na umanong nagawa ang kanyang gobyerno, tulad ng pabahay, bigas, salbabida para sa mga nalulunod na sa kahirapan.
Inihayag din niya ang paglulunsad sa Philippine Development Plan para sa taong 2011-2016.
Samantala, ang Asenso Para sa Lahat ay lilikha ang pamahalaan ng dagdag na mga trabaho, educational reform at comprehensive social welfare gayundin ng pagpapatupad ng mga development programs upang matiyak ang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Tinuran din ng Presidente na hanggang ngayon ay taong bayan pa rin ang kanyang lakas at mananatiling boss niya sa kanyang panunungkulan.
- Latest
- Trending