MANILA, Philippines - Ibinulgar kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ginagawang front sa recruitment ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang League of Filipino Student (LFS) lalo na sa mga kilalang kolehiyo at unibersidad sa bansa.
Dahil dito, binalaan ni AFP Civil Relations Service (AFP-CRS) Commander Brig. Gen. Eduardo del Rosario ang mga estudyante na iwasang sumapi sa militant youth groups.
“Students should be aware and vigilant against being recruited by groups that promote cynicism, tolerance violence and serve as recruitment grounds for rebels,” babala ni del Rosario.
Sinabi ni del Rosario na dapat maging maingat ang mga estudyante partikular na ang mga college freshmen sa pagpili ng mga lalahukang organisasyon.
“The start of the school year brings out an opportunity for militant youth groups, particularly the League of Filipino Students or LFS, to exploit various issues in order to attract new members,” giit pa ng heneral.
Sa tala ng AFP, sinabi ni del Rosario na ang mga estudyanteng nare-recruit ng NPA ay karamihan mga miyembro ng LFS na dahilan sa pagiging militante ay tinalikdan ang kanilang pamilya at nasira ang kinabukasan sa pagsapi sa komunistang grupo.
Kaugnay nito, hinikayat ng opisyal ang mga estudyante na isulong ang kapayapaan, pagkakaisa at pagmamahal sa bayan sa halip na masangkot sa paggawa ng karahasan at terorismo.