CEBU CITY, Philippines — Nagpahiwatig si Pangulong Benigno Aquino III ng pagnanais na makilala ang kanyang makakasama sa buhay dito matapos siyang muling dumalaw kamakalawa para sa inagurasyon ng isang coal power plant.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang mensahe sa inagurasyon ng Kepco coal power plant sa Naga City kamakalawa na lubhang magaganda daw ang mga Cebuana kaya sana ay makilala na niya dito ang kanyang makakasama sa buhay.
Biglang napansin din ng Pangulo ang emcee ng programa na si Grace Lee ng GMA 7 na isang Korean-Filipina.
Nagparunggit si PNoy, na hindi lamang pala mga Cebuana ang magaganda kundi maging ang mga Koreana na tulad ni Lee.
Magugunita na nakiusap ang Pangulo sa media na tigilan na muna ang kanyang lovelife pero sa pagkakataong ito ay hayagan na namang nagsalita ang bachelor na lider ng bansa.
Umaasa si PNoy na bago matapos ang kanyang termino bilang pangulo sa 2016 ay makakapag-asawa na rin siya upang may makasama siya sa buhay.