Mikey Arroyo naghain ng counter-affidavit sa tax case

MANILA, Philippines - Humarap na si Ang Galing Pinoy partylist Re­presentative Mikey Arroyo sa isinagawang preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ) sa kasong tax evasion laban sa kanya na isinampa ng Bureau of Internal Re­venue (BIR).

Kasama ni Arroyo sa paghahain ng counter-affidavit ang counsel na si Atty. Rui Rondain, sa panel of prosecutors na pinangungunahan ni State Prosecutor Lagrimas Agaran.

Nakasaad sa kontra-salaysay ni Arroyo na dapat na ibasura na lamang ng DOJ ang reklamo dahil sa kawalan ng merito dahil mali umano ang pagkuwenta ng BIR hinggil sa kaniyang binayarang buwis.

Kumpiyansa si Arroyo na malulusutan niya ang naturang kaso dahil may mga ebidensiya siya na magpapatunay na binayaran niya ang naturang buwis mula 2002 hanggang 2009 na ayon sa BIR ay nagkakahalaga ng P73-milyon.

Sa pagtatapos ng pag­dinig, inatasan ng panel si Arroyo at ang BIR na maghain ng mga certified true photo­copies ng mga ebidensiya o annexes­ na naka-attach sa complaint at counter affidavit.

Itinakda ang susunod na pagdinig sa DOJ sa darating na Hulyo 7, 2011 dakong alas-2 ng hapon.

Show comments