MANILA, Philippines - Umabot na sa 166, 708 katao ang naperwisyo ng mga pagbaha sa limang lalawigan at pitong lungsod dulot ng pagbayo ng bagyong Falcon sa Region III, IV-A, V at National Capital Region (NCR).
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo kahapon, inihayag din ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos na 11 katao ang nawawala, kabilang ang 10 mangingisda sa Bicol Region.
Ayon kay Ramos, nasa 132 barangay sa Bulacan, Pampanga, Zambales, Rizal at Albay at mga mababang lugar sa Metro Manila ang apektado ng mga pagbaha.
Sa Bicol Region, umabot sa 107,253 katao ang naapektuhan at 42,612 rito ang nasa evacuation centers. Nasa 52,907 naman ang naperwisyo sa Region III o Central Luzon na kinabibilangan ng Bulacan, Pampanga at Zambales.
Aabot na rin sa P1.9 M ang halaga ng pinsala sa imprastraktura at agrikultura.