MANILA, Philippines - Aarestuhin ang sino mang magbubuhos ng maruming tubig sa mga motoristang mapapadaan sa bayan ng San Juan para sa selebrasyon ng kapistahan ni St. John the Baptist bukas (June 24).
Ayon kay San Juan City Mayor Guia Gomez, inatasan na niya ang lahat ng law enforcement agency sa lungsod partikular ang Philippine National Police at mga barangay official na dakpin at ikulong ang sino mang makikitang mambabasa ng maruming tubig.
Sinabi ng Alkalde, tuloy pa rin ang nakaugaliang basaan sa tuwing ipinagdiriwang ang fiesta ni San Juan Bautista, pero tiyakin lamang na malinis ang tubig na gagamitin na pambasa sa mga nakiki-pista at mga motoristang mapapadaan sa Lungsod.
Anang alkalde, ang tema ng pagdiriwang nila bukas ay “Makisaya, Masikayaw at Makibasa.”