MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Pangulong Aquino na hindi bibitiw ang Pilipinas sa pag-angkin sa Spratly islands at hindi raw maduduwag ang gobyerno kahit mas malaking bansa ang China.
Ayon sa Pangulo, hindi naman puwedeng yuyuko na lamang ang gobyerno natin sa mga kagustuhan ng ibang bansa bagkus ay ipaglalaban natin ang ating teritoryo kahit super power ang kalaban.
Wika pa ni PNoy, hindi nakikipag-away o nakikipag-giyera ang bansa sa China kundi nais lamang natin protektahan ang teritoryo natin lalo ang hindi naman kasama sa Spratlys.
Magugunita na nagpadala ng warship na BRP Rajah Humabon ang AFP sa karagatan malapit sa Spratly islands upang bantayan ang Scaborough Shoal at Recto island na undisputed territory at hindi kasama sa Spratly island.
Idinagdag pa ni Aquino, kapag hinayaan na lamang ng bansa na angkinin ng China ang part ng Spratlys na sakop natin ay mawawala na ang claim natin dito.