Filipino gamitin sa Ampatuan trial - Jinggoy
MANILA, Philippines - Para mas maintindihan ng mga ordinaryong mamamayan ang magaganap sa loob ng korte, iginiit kahapon ni Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada na Pilipino ang gamitin bilang medium sa pagdinig ng Ampatuan massacre.
Ayon kay Estrada, tiyak na mas marami ang makakaintindi kung Pilipino ang wikang gagamitin sa loob ng korte lalo na’t pinayagan ng Supreme Court ang live coverage para sa tinaguriang trial of the century.
Pinuri rin ni Estrada ang SC sa pagtungon sa panawagan ng iba’t ibang media organizations na pahintulutan ang ‘live coverage’ sa loob ng sala ni Judge Jocelyn Solis Reyes ng Quezon City Regional Trial Court 221.
Ipinunto pa ni Estrada na sa halos lahat ng panig ng mundo, ang ginagamit na salita sa court proceedings ay ang sariling wika ng isang partikular na bansa at hindi English.
Mas maintindihan aniya ng masang Pilipino na siguradong mag-aabang sa radyo at telebisyon ang magaganap na paglilitis kung ang Pambansang Wika ang gagamitin sa korte.
“All over the world, kung ano ang salita nila iyon ang ginagamit nilang medium sa court proceedings. Dito lang naman sa atin nag-e English so it’s about time siguro na tagalog na rin ang gamin lalo’t Ampatuan massacre trial ito,” pahayag ni Estrada.
Ipinunto pa ni Estrada na kahit sa loob ng plenaryo ng Senado ay pinapayagan na rin ang pagsasalita ng tagalog sa loob ng sesyon o kahit sa mga isinasagawang pagdinig.
Pabor din sa panukala maging si Senate Minority Leader Alan Cayetano pero dapat rin aniyang ibigay sa mga uupo sa witness stand ang karapatan na gumamit ng wikang mas maiintindihan nila at mas maipapahayag ang kanilang sarili.
“Witnesses have the right to understand the questions and express themselves the best way they can kaya allowed interpreters. So judge can conduct hearing in tagalog but in what language or dialect sasagot witness depends on said witnesses,” wika ni Cayetano.
- Latest
- Trending