MANILA, Philippines - Matapos mabigong makakuha ng temporary restraining order (TRO) sa Korte Suprema, pinabababa na sa pwesto ng Commission on Elections (Comelec) si Mayor Barbara Ruby Talaga ng Lucena City dahil sa isyu ng disqualification nito sa pagtakbo noong May 2010 elections.
Sa 4-pahinang Writ of Execution ng Comelec en banc na may petsang Hunyo 15, 2011, inatasan nito si DILG Jessie Robredo at si Atty. Johnny Icaro, Regional Election Director of Comelec na ipatupad ang pagpapatalsik sa pwesto kay Talaga. Pirmado at inaprubahan ni Comelec Chairman Sixto Brillantes at iba pang Comelec commissioners ang kautusan.
Matatandaang noong nakalipas na linggo, tinabla ng Matas na Hukuman ang kahilingan ni Talaga na mag-isyu ang korte ng TRO upang maharang ang pagpapatalsik sa kaniya bilang alkalde ng Lucena City.
Mauupong kapalit ni Talaga si Vice-Mayor Roderick Alcala alinsunod sa isinasaad ng ‘order of succession’ ng Local Government Code.
Noong Mayo 20, 2011, pinawalang-bisa ng poll body ang election at proclamation kay Talaga nang mapatunayang ang kandidatura niya ay hindi maaring tanggapin, nang ideklara niyang substitute siya ng mister na si Ramon Talaga, na hindi naman nag-withdraw kaagad ng candidacy, at lumalabas na additional candidate siya.
Nilinaw pa sa kautusan na hindi maaring ang tinalo niyang si Philip Castillo ang maipalit sa posisyon kundi ang bise nang ideklarang ‘bakante’ ang posisyon ng alkalde.