De Lima, igigisa ni Lacson
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na igigisa niya si Department of Justice Secretary Leila de Lima sa sandaling isalang na ito sa makapangyarihang Commission on Appointments dahil hindi kumbinsido ang senador na karapat-dapat sa kaniyang trabaho si de Lima.
Ayon kay Lacson, dapat ipakita ni de Lima na competent siya para makumbinsi ang mayorya ng mga miyembro ng CA upang makumpirma ang kaniyang nominasyon.
Inaasahan na rin na lilinawin ni Lacson kung bakit mistulang pinag-iinitan siya ni de Lima lalo na noong may warrant of arrest na nakalabas laban sa kaniya.
Sinabi pa ni Lacson na wala naman siyang history ng away ni de Lima pero nagtataka siya kung bakit patuloy siyang pinanggigigilan ng justice secretary.
Balak din ni Lacson na tanungin si de Lima kung bakit mistulang ipinapahiya nito si Pangulong Aquino tungkol sa rekomendasyon ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) na pinamunuan nito sa naganap na madugong hostage taking sa Quirino Grandstand noong Agosto 23.
Lilinawin umano ni Lacson ang naging pahayag ni de Lima na madidismaya ito kung hindi kakatigan ng Pangulo ang naging rekomendasyon ng IIRC na mistulang isang uri ng panggigipit.
- Latest
- Trending