MANILA, Philippines - Mahigpit nang ipagbabawal ang pagti-text at pagtawag gamit ang cellphone habang nagmamaneho.
Ito’y matapos aprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill no. 4571 na iniakda ni Tarlac Rep. Susan Yap na mahigpit na nagbabawal sa mga motorista na gumamit ng cellular phone habang nagmamaneho.
Paliwanag ni Yap, hindi lamang ang mga nagmamaneho ang malalagay sa kapahamakan kundi pati na rin ang mga inosenteng mamamayan na maaring madisgrasya dahil sa paggamit ng cellphone at ang paggamit umano nito ay hindi dapat manaig para sa kaligtasan sa lansangan.
Nakasaad pa sa HB 4571 na maaring mapawalang bisa ang kanilang drivers license at multang P10,000 sa sinumang motorista na lalabag sa nasabing panukala.
Giit ni Yap, sa pagmamaneho ay dapat wala umanong ibang hawak kundi manibela lamang upang hindi maistorbo ang pagmamaneho ng isang motorista dahil ang paggamit umano ng cellphone lalo na ang pagte-text at at pagbabasa ng mga text messages ay nakakawala ng konsentrasyon at focus kayat nagiging sanhi ito ng aksidente.
Ang HB no. 4571 ay tatawagin din na “Anti-Mobile Communication Devices Use while Driving Act of 2011.”