MANILA, Philippines - Dapat na parusahan ng hanggang anim na taong pagkakakulong ang mga kotong pulis.
Ito ang nakasaad sa isinusulong na House bill no. 246 o mas kilala sa tawag na Kotong Act of 2010. ni Aurora Rep. Juan Edgardo “Sonny” Angara.
Bukod sa pagkabilanggo ay maaari ring matanggal sa serbisyo at madiskuwalipika sa paghawak o pag-upo sa ano pa mang posisyon sa gobyerno ang naturang pulis.
Niliwanag ni Angara na layon ng kanyang panukala na maibalik ang integridad sa Philippine National Police (PNP) at maging sa National Bureau of Investigation (NBI) sa pamamagitan ng pagpataw ng mas mabigat na parusa laban sa mga pulis na sangkot sa pangongotong at iba pang illegal na aktibidades.
Sa ilalim ng nasabing panukala, sinumang miyembro ng PNP at NBI na mangongotong ay maaaring masibak, mabawasan ng ranggo o mabigyan ng assignment sa ibang PNP Regional Command o NBI Regional Office, base sa determinasyon ng PNP Chief o NBI Director.
Ayon pa sa mambabatas, mababa lamang ang parusa sa ilalim ng Revised Penal Code laban sa mga pulis na sangkot sa illegal activities tulad ng kotong at hulidap.