MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Estados Unidos na may mga nakaambang pag-atake ang mga teroristang grupo sa Metro Manila at katimugang bahagi ng bansa sa Mindanao.
Sa bagong travel advisory na ipinalabas ng US State Department, binigyang babala nito ang lahat ng kanilang mamamayan na umiwas na tumungo sa Pilipinas partikular sa Metro Manila at Mindanao na umano’y target ng terrorist attack.
“The Department of State warns US citizens of the risks of terrorist activity in the Philippines, particularly in Sulu archipelago and on the island of Mindanao. Terrorist attacks could be indiscriminate and could occur in areas, to include Manila,” ayon sa nasabing advisory na may petsang Hunyo 14, 2011.
Ang nasabing travel advisory ay katulad ng unang abiso na ipinalabas ng Estados Unidos sa mga American citizens noong Nobyembre 2010.
Ang pag-atake umano ng mga terorista mula sa Al Qaeda at Abu Sayyaf Groups ay isasagawa sa pamamagitan ng pagpapasabog o pambobomba sa mga target na lugar na magreresulta umano ng kamatayan o pagkasugat ng mamamayan. Bukod dito, magkakaroon din umano ng serye ng kidnappings sa mga lugar sa Basilan at Sulu.
Sa panig ng PNP at AFP, ligtas pa ang pagbiyahe sa Pilipinas at walang dapat na ikaalarma sa ipinalabas na travel advisory ng Estados Unidos hinggil sa posibleng terror attack.
Gayunman, kapwa nakaalerto ang militar at kapulisan upang hindi malusutan ng mga teroristang grupo na posibleng manabotahe sa peace and order.
Samantala, hindi naman maialis ni Sen. Gringo Honasan ang magduda na posibleng may kinalaman ang nasabing travel advisory sa pahayag ni US Ambassador Harry Thomas na tutulong ang Amerika sa Pilipinas na binu-bully ngayon ng China dahil sa usapin ng Spratlys.
Dahil dito, hinamon ni Honasan ang gobyerno ng Amerika na kung totoo ang nilalaman ng nasabing travel advisory ay dapat makipagtulungan ito sa pagbibigay ng impormasyon laban sa mga terorista.
Sinabi ni Honasan na natural lamang na makaapekto sa turismo ang nasabing advisory pero dapat patunayan ng Amerika na may batayan ang kanilang pagpapalabas ng nasabing kalatas.
Nanawagan din ang senador sa Department of Foreign Affairs na tiyakin kung may katotohanan ito.