MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng US government sa pamamagitan ni US Ambassador Harry Thomas Jr. na tutulong ito sa Pilipinas sa lahat ng isyu kabilang ang pinagtatalunang Spratly islands sa West Philippine Sea (South China Sea).
Sinabi ni Amb. Thomas sa kanyang mensahe sa launching ng Renewable Energy Program na dinaluhan din ni Pangulong Aquino kahapon sa Makati Shangri-La Hotel, mananatili ang partnership ng Phl at US at laging maaasahan ang suporta ng Amerika sa pangangailangan ng Pilipinas maging ang pagtatanggol sa mga teritoryo nito.
“The Philippines and US are strategic treaty allies, we are bound to consult and work with each other on all issued including the South China Sea, the site of a group of tiny island claimed by China, the Philippines and other Southeast Asian countries,” giit ni Thomas patungkol sa umiiral na Mutual Defense Treaty ng dalawang bansa.
Una na ring nanawagan si Thomas sa Phl at China at iba pang bansang umaangkin sa Spratlys na maging mahinahon at iwasan ang palitan ng maanghang na salita na lalong nagpapalala sa sitwasyon sa West Philippine Sea.
Dahil sa pahayag ni Thomas, agad na umalma ang China na agresibong umaangkin sa Nansha islands (Spratlys) at binalaan ni Chinese Ambassador Liu Jianchao ang Estados Unidos na huwag makialam at makisawsaw sa umiinit na isyu sa South China Sea.
Sinabi ni Jianchao na maaayos at mareresolba ang usapin sa Spratlys ng mga lehitimong mga bansang nag-aangkin sa mga nasabing isla sa mapayapang pamamaraan.
Kamakalawa ay nagsagawa na rin ng Naval live-fire drill ang Vietnam na “mainit” din sa China.
Ang China ay nakatakdang magsagawa rin ng fire drill ngayong buwan sa West China sea na ikinabahala ng Japan at kanilang kalapit na mga bansa.
Ayon naman sa Taiwan Defense Ministry, plano na rin nilang magpadala ng missile boats sa Spratlys.