MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Federation of Philippine Industries (FPI) chairman Jesus Aranza na mas makakasama ang panawagang pagboykot ng Pilipinas sa mga produktong galing sa China dahil sa mas malaki umano ang epekto sa ekonomiya ng bansa ang maaaring iganti ng mga Tsino sa mga ini-export naman na produkto ng mga Filipino.
Sinabi ni Aranza, na hindi mainam ang mungkahi ni Albay Governor Joey Salceda na boykot sa mga China products dahil sa isyu ng sigalot sa Spratlys Islands.
Hindi umano dapat magpadalos-dalos ang mga opisyal ng Pilipinas sa pagbibigay ng ganitong mga uri ng pahayag dahil ang Pilipinas ang lalabas na mas agrabyado kapag naisulong ang pagbo-boykot sa kanilang mga produkto lalu na kapag gumanti rin ng pag-boykot ang China sa ine-export nating produkto.
Maaari rin umanong maapektuhan ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) natin na nagtatrabaho sa Tsina at iba pang teritoryo nito tulad ng Hongkong.
Bukod sa pag-boykot sa mga produktong gawa sa China, nais din ni Salceda na iwasan muna ng mga Pinoy na magbiyahe sa Hongkong at iba pang magagandang lugar sa Tsina bilang protesta sa mistulang pananakot at pagbabanta umano ng sandatahang-lakas ng Tsina sa mga Filipino ukol sa isyu ng pagmamay-ari sa Spratly Islands.
Samantala, tutol din si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares sa panawagan ni Salceda dahil apektado din dito ang mga OFW’s.
Wika pa ni Rep. Colminares, lalong lalala ang sitwasyon sa isyu ng Spratly kung magkakaroon ng boykot sa China products.
Ibinasura din ng Malacanang ang mungkahing boykot na ito ni Gov. Salceda bagama’t iginagalang nito ang kanyang opinion ay hindi naman ito ang opisyal na posisyon ng gobyerno.