Rabusa hinamon
MANILA, Philippines - Hinamon ng mga retirado at aktibong miyembro ng militar si retired Col. George Rabusa na huwag gawing pananggalang ang witness protection program ng gobyerno at harapin ang mga posibleng kaso na isasampa sa kanya base na rin sa kanyang mga naging pahayag.
Naniniwala ang mga opisyal na idinawit ni Rabusa sa kasong pandarambong, na kung may karapatan si Rabusa na ipursige at patunayan ang kanyang mga akusasyon ay dapat din siyang pumayag na sumailalim sa paglilitis upang mabigyan ng kredibilidad at bigat ang kanyang mga bintang.
Ito’y magiging posible lamang anya kung papayag si Rabusa na umalis sa protection ng pamahalaan bilang state witness.
“If he really has a meat and believes in his accusations, he should not hide behind the cloak of a state witness. This way, we could also challenge him, respond to his charges, and allow us to seek legal remedy against his claims,” pahayag ng isa sa mga opisyal na idinemanda ni Rabusa na humiling na huwag ng banggitin ang kanyang pangalan.
Nang lumantad sa Senado si Rabusa at isiwalat ang kanyang nalalaman sa umano’y kurapsiyon sa AFP ay hiniling nito na isailalim siya sa witness protection program na naging dahilan upang siya’y maging state witness.
Kamakailan ay inamiyendahan ni Rabusa ang isinampang kaso nito laban sa ilang opisyal ng AFP, sa Department of Justice kung saan isinama nya sa listahan bilang mga respondents ang lima pang indibidwal kabilang na si dating Army 10th Infantry Division chief Ernesto Boac, na kasalukuyang assistant secretary for comptrollership ng Department of National Defense (DND).
Una nang sinabi ng AFP sa pamamagitan ni spokesman, Commodore Miguel Rodriguez, na itutulak ng institusyon ang pag-iimbestiga at pagsasampa ng demanda, kung kinakailangan, sa mga opisyal na kabilang sa mga sinampahan ng kaso sa DOJ at iba pang korte.
Naniniwala ang mga opisyal ng military na hindi dapat payagang hindi panagutan ni Rabusa ang kanyang mga nagawang kasalanan noong siya’y nasa serbisyo pa.
Noong Oktubre 2004, nagsampa ng kaso ang Office of the Ombudsman laban kay Rabusa kabilang dito ang dishonesty; grave misconduct; conduct unbecoming a public officer; perjury; at violation of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
- Latest
- Trending