China nagpapalakas ng puwersa!
MANILA, Philippines - Nagpapalakas na ng puwersa ang China matapos ang serye ng kanilang military drill sa South China Sea (West Philippine Sea) habang isa pang military exercise ang nakatakda nilang isagawa ngayong buwan sa West China Sea.
Ayon sa report, kinumpirma ng Chinese Ministry of National Defense noong Huwebes na magsasagawa ng training drill ang Navy fleet ng Chinese People’s Liberation Army (PLA) sa international waters sa West Pacific.
Gayunman, ikinatuwiran ng China na ang gagawing military drill ay walang nilalabag sa international laws at wala silang target na partikular na bansa at naayon umano sa taunang plano ng PLA.
Ito’y matapos magpahayag ng pangamba ang Japan media dahil sa bagong pagkilos ng Chinese Naval vessels sa West China Sea na malapit sa kanilang teritoryo na posibleng maging banta sa national security. Dumaan umano ang mga Chinese Navy ships sa karagatang sakop ng mga isla ng Okinawa at Miyako sa Japan.
Lumabas sa report noong Miyerkules na nagsagawa ng live-fire games sa South China sea ang China sa kabila ng mga protesta ng Pilipinas at Vietnam.
Base sa report ng Global Times, sinimulan ng Chinese Army ang military exercise noong Martes na binubuo ng may 100 warships, submarines at aircraft kabilang na ang mga amphibious combat drills sa South China sea na inobserba ng may 200 military students.
Ang nasabing aksyon ng China, ayon sa Vietnam Ministry of Foreign Affiars na lumabas sa Viet Nam News ay tahasang paglabag sa kanilang soberenya.
Kontra din umano ito sa isinasaad ng Declaration of the Conduct of the Parties in the South China Sea ng Association of Southeast Asian Nations at China noong 2002.
Bunsod nito, magsasagawa na rin ng live-fire exercise ang Vietnam kung saan kontrolado nito ang Taiping islands sa Spratlys at Pratas Islands, isa sa mga pinakamalaking isla sa South China sea bilang paghahanda.
Naalarma na rin ang Taiwan na isa ring umaangkin sa Spratlys kaya iniutos ng Taiwan Ministry of National Defense na bumuo na ng special task forces para imonitor ang gagawing live-fire military drill ng Vietnam Navy sa South China sea.
Ang US at Phl ay nakatakda na ring magsagawa ng military drill ngayong buwan habang nagpadala na ang Estados Unidos ng US destroyer na USS Chung-Hoon sa South China Sea at Sulu Sea para sa umano’y “freedom of navigation operations”.
Ang military drills at live-fire exercises ng mga nabanggit na bansa ay wala umanong kinalaman sa nagaganap na territorial dispute sa Spratlys.
- Latest
- Trending