MANILA, Philippines - Umapela kahapon si AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones sa Department of Agriculture na tulungan nito ang maliliit na may-ari ng palaisdaan na tinamaan ng ‘fish kill’ sa Batangas at Pangasinan.
Sinabi ni Rep. Briones, 2 grupo na miyembro ng AGAP ang tinamaan ng fish kill na dapat lamang tulungan ng DA upang makabawi sila sa matinding pagkalugi.
Ang 2 grupo ay ang Taal Lake Aquaculture Alliance at Feed Millers Association na pawang miyembro ng AGAP.
“Nakikiusap ako sa DA na gawan ng mabilis na aksyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng puhunan para muling makabangon ang mga ito sa matinding pagkalugi sanhi ng fish kill,” giit pa ng kongresista.
Hiniling din ni Briones sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na gumawa ng pag-aaral upang hindi na maulit ang fish kill sa susunod na mga taon.