MANILA, Philippines - Inamin kahapon ng Palasyo na hindi na maitutuloy ang scholarships ng ‘bangkang papel boys’ bagkus ay tanging ‘ study now pay later plan’ lamang ang puwedeng ipagkaloob dito ng Malacañang.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, inalok na nila ang bangkang papel boys na dating iskolar ni Mrs. Arroyo ng study now, pay later plan subalit tinanggihan nila ito.
Wika pa ni Valte, malinaw naman sa bangkang papel boys na hanggang 2010 lamang ang scholarship na ipinagkaloob sa kanila ni dating Pangulong Arroyo subalit nang inalok sila ng Aquino administration ng study now, pay later plan ay tinanggihan nila ito.
Aalamin din ng Palasyo ang kinakaharap ding suliranin ng may 70 iba pang scholars ng nakaraang administrasyon.
Idinagdag pa ni Valte, walang halong pulitika ito dahil nakasalalay dito ang edukasyon ng mga kabataan.
Samantala, umalma si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo dahil sa hindi pagbabayad ng tuition fees ng Malacañang sa mga scholars nito na kanyang tinawag na “Bangkang Papel Boys” na binanggit niya sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) na naging simbolo ng pagiging Pangulo.
Ayon sa tagapagsalita ng dating Pangulo na si Elena Bautista-Horn,nadiskubre lamang nila na inihinto na ng Department of Social Welfare and Development (DWSD) ang pagbibigay ng tuition fee kay Erwin Dolera,graduating student sa Trinity University of Asia sa kursong Bachelor of Arts Major in Communication Art at presidente din ng student council nang humingi ng tulong sa kanila ang bata.
Si Dolera ay isa sa tatlong Bangkang Papel Boys na sumulat ng kanilang pangarap at pag asa para sa kanyang pamilya sa isang bangkang papel na pinadala sa Malacañang matapos ang Payatas tragedy kung saan isa ang kanilang bahay sa nasira noong 2000,kabilang sa mga kasama nito sina Jason Banogan at Jomar Pabalar.
Nilinaw ni Horn na sa loob ng siyam na taon ay sinasagot ng DSWD ang pag-aaral ni Dolera subalit ngayong taon na malapit nang magtapos sa kolehiyo ang bata ay saka pa ito ihihinto ng ahensya.
Ipinaliwanag naman kay Jocelyn Lagang ,Social Welfare Officer 3 ng Program Management Bureau ng DSWD, ang budget para sa scholarship ng dating Pangulo ay magmumula sa Presidential Management Staff (PMS) at wala pang nakalaan na pondo para ngayong taon.
Giit ni Horn, kuwestiyunable at kadudaduda ang ginawa ng PMS dahil alam na pasukan na ngayong Hunyo ay hindi pa ginawang prayoridad ang naturang mga estudyante.