Pinay, 2 anak pinatay; ex-lover nag-suicide

MANILA, Philippines -  Isang 41-anyos na Pinay at dalawang anak nito ang pinatay sa bigti ng kanyang dating live-in partner sa loob ng kanilang 3-storey house bago nagpatiwakal ang lalaki sa pamamagitan ng pag-dive sa bangin sa Eastlake Home, San Diego, California.

Kinilala ng Chula Vista Police Department sa San Diego ang mga biktima na sina Catherine Jaccard Alvarez, at mga anak na sina Angelica, 12 at Hamid, 11. 

Nakitaan din si Alvarez ng matitinding sugat at palo sa ulo at ibang bahagi ng katawan na pinaniniwalaang ginulpi muna bago tuluyang sinakal.

Nadiskubre lamang ang pagkasawi ng mag-iina nang matagpuan ang kanilang mga katawan sa loob ng tatlong makakahiwalay na kuwarto ng kanilang bahay, ilang araw matapos ang krimen nang tuntunin ng California Highway Patrol motorcycle officer ang nagmamay-ari ng sasakyan ng suspek na si Alfredo Almonte.

Si Almonte ay natagpuang patay nang mahulog ang kanyang sinaksakyang  2011 Hyundai Elantra sa may 150 talampakang lalim na bangin sa Route 125 Spring Valley noong Miyerkules ng alas-5:30 ng umaga.

Hindi rin pumasok sa kanyang trabaho si Alvarez isang araw bago ang nasabing karumal-dumal na krimen.

Posible umanong nagkaroon ng pag-aaway sina Alvarez at Almonte matapos na makipaghiwalay ang babaeng biktima sa huli hanggang sa pagpapatayin ang pamilya Alvarez saka umalis ang lalaki lulan ng nasabing sasakyan at kusang inihulog ang sarili sa matarik na bangin.

Show comments