MANILA, Philippines - Dapat maparusahan ang convicted murderer na si Rolito Go at sampahan ng kasong kriminal ang kanyang mga custodians dahil hinahayaan siyang makalabas ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City nang walang permiso, ayon sa ina ng road rage victim na si Eldon Maguan.
Binanggit ni Gng. Rosario Maguan ang mga probisyon sa Revised Penal Code na nagpaparusa sa mga public officer na nagpapabaya sa tungkulin na dahilan para makatakas ang isang preso sa bilangguan.
Sa isang panayam sa loob ng NBP, inamin ni Go na anim na beses sa isang buwan kung lumabas siya sa kulungan. “Noong nakaraang taon, araw-araw akong lumalabas para sa chemotherapy session,” sabi ni Go na meron umanong colon cancer. Nasentensiyahan siya ng korte ng parusang habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pagpatay niya kay Maguan sa Greenhills, San Juan noong 1994 bunsod ng iringan sa trapiko.
Sinabi ni Go na ang kanyang regular check up ay isinasagawa sa isang ospital sa Makati tulad ni dating Batangas Gov. Jose Antonio Leviste, na kinasuhan ng evasion of service of sentence matapos maaresto habang nasa labas ng NBP nang walang kaukulang permit noong May 18.
Subalit walang naisampang anumang kaso laban kay Go at sa mga jail guards nito na kahit mismong si DOJ Secretary Leila de Lima ay nagbunyag na ilang beses ding nakalabas ng NBP si Go nang walang awtorisasyon.
Aniya, nakatanggap sila ng impormasyon na si Go ay nakakalabas kasama ang tatlo pang convicts na nagsisilbing chaperon-cum-escort nito tuwing pumupunta sa “doktor” na ginagamit na alibi ni Go para mabisita ang kanyang pamilya sa Roosevelt, Quezon City.