Estudyante pagsuutin daw ng long pants kontra dengue
Manila, Philippines - Isang opisyal ng Department of Health ang nanawagan sa mga opisyal ng mga eskuwelahan na pagsuotin ng long pants o mahabang pantalon ang mga batang mag-aaral para mapangalagaan sila laban sa sakit na dengue.
Sinabi ni DOH Program Manager for Emerging and Re-emerging Disease Dr. Lyndon Lee Suy na maaaring magpipiyesta ang mga lamok sa mga batang mag-aaral sa pagbubukas ng mga klase sa susunod na linggo.
Karaniwang short pants o maikling pantalon o salawal ang uniporme ng mga batang mag-aaral lalo na sa mga nasa paaralang elementarya.
“Sa tingin ko, mas mabuti kung magsusuot sila ng mahabang pantalon sa eskuwelahan para hindi sila gaanong kagatin ng mga lamok,” sabi pa niya sa isang pulong-balitaan.
Sinabi ni Suy na ang programa sa malawakang paglilinis sa mga eskuwelahan ay dapat samahan ng pagsugpo sa mga tirahan ng lamok para maiwasan ang pagkalat ng dengue.
Ayon kay DOH Undersecretary Ted Herbosa, madaling mabiktima ng lamok na tinatawag na Aedes Aegypti na nagdudulot ng sakit na dengue ang mga bata habang nasa eskuwelahan ang mga ito.
- Latest
- Trending