Manila, Philippines - Itinakda na ng Senado sa Hunyo 2 ang pagdinig sa resolusyon na naglalayong imbestigahan ang panloloko umano ng ilang unibersidad at kolehiyo sa bansa na nag-aanunsiyo na walang tuition fee increase sa darating na school year pero itinataas naman ang miscellaneous fee.
Sa Senate Resolution 488 na inihain ni Sen. Manny Villar, sinabi nito na dapat silipin ng Senado ang hindi makatuwirang paniningil ng mataas na miscellaneous fees sa mga estudyante.
Marami umanong mga magulang ang naloloko ng mga eskuwelahan sa kanilang mga advertisement dahil sa pag-aanunsiyo na walang itataas sa tuition fee pero bumawi naman sa miscellaneous fee.
“Schools advertising ‘no tuition fee hike’ but conceal additional and hidden charges in the guise of miscellaneous fees mislead students and parents alike,” nakasaad sa resolusyon.
Hindi na kailangan pang aprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagtataas ng miscellaneous fee kaya nagagawa umano ng ilang unibersidad at kolehiyo ang gusto nila.
Ayon pa kay Villar, kung magpapatuloy ang nasabing kalakaran ay lalong liliit ang bilang ng estudyante na mag-aaral sa pribadong paaralan.