Manila, Philippines - Sinibak ni Bureau of Jail Management and Penology Director Rosendo M. Dial ang warden ng Quezon City jail annex at lahat ng personnel ng piitan dahil sa umano’y pagkunsinti nito sa “special treatment” na ibinibigay ng mga tauhan ng BJMP sa mga miyembro ng pamilya Ampatuan.
Ayon kay Dial, sinibak si Jail Warden Chief Insp. Glenford Valdepeñas para sa “impartial administrative investigation” na Standard Operating Procedure (SOP) ng kagawaran sa panahon ng pagsisiyasat at hindi dahil sa kanilang pagkakasala.
Nabatid na ipinakita ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu kay DILG Secretary Jesse Robredo ang mga larawan na pinalalabas at binibigyan ng espesyal na pribiliheyo ang mga Ampatuan.
Paggamit ng cellphone, internet connection, aircon, masahe at paglabas-pasok sa mga selda ang ilan umanong ibinibigay na pribiliheyo. Bukod pa dito, inakusa ni Mangudadatu na nakita rin umano si Andal Ampatuan Sr. sa isang 5-star hotel sa Pasay City.
“There is no VIP treatment to the Ampatuans, all inmates are treated equally without prejudice,” paliwanag naman ni Dial.
Giit ni Dial, matagal na nilang ipinapatupad ang programa para sa kapakanan at pag-unlad ng mga preso sa BJMP kaya parte na sa loob ng piitan ang pagpapalabas sa kanila para na rin sa kanilang kalusugan.
Nilinaw pa ni Dial na ang mga preso ay pinahihintulutan umanong makalabas ng kanilang selda, pero hindi lalampas sa perimeter ng kanilang piitan.
At ang pagtatangka anyang makalabas ng mga preso ay imposible dahil matindi ang pagbabantay na ginagawa ng kanilang tauhan sa loob ng PNP Camp at Bagong Diwa.
Pansamantalang hahalili sa puwesto si Senior Insp. Bernardino Edgar T. Camus, lider ng Special Tactics and Response (STAR) Team.
Ang dalawang teams, ang elite tactical unit na sinanay para nagsagawa ng high-risk operations, ay maglilingkod din sa bilangguan hanggang sa makumpleto ang imbestigasyon.
Sinabi naman ni Mangudadatu na magsasalita ang kanyang “source” sa tamang forum kung kakailanganin para mapatunayan ang kaniyang impormasyon na binibigyan talaga ng “special treatment” ng mga tauhan ng BJMP ang mga Ampatuan.